Portia Placino

Repository of my thoughts and images of art, literature, travel, and life.

Mark Salvatus’ Secret Garden 2 Critique

Silip sa Selda Kinse

by: Maria Portia Olenka C. Placino

Sa isang tunay na selda—madilim, masikip, mabaho. Hindi makakilos. Walang buhay. Hindi makahinga. Nakakulong. Halos mahawakan ang katabi, naamoy ang mga pawisang katawan. Hindi makatakas sa isang kahon na walang buhay. Ganito ang selda, and kulungan. Walang pag-asa. Walang patutunguhan.

Halaman. Liwanag. Pag-asa. Ito ang selda kinse. Ito ang selda ng pantasya ni Mark Salvatus. Isang sulyap sa hindi mabuksang pintuan. Liwanag. Puno ng liwanag. Puno ng halaman. Hindi mahawakan. Hindi maabot. Hanggang sulyap na lamang. Hindi mahawakang liwanag. Hindi matamong pag-asa.

Ngunit sa pagtitig—plastik. Plastik lamang ang lahat. Hindi nasisilayan ng araw. Hindi tunay na liwanag. Ang ganda ay sira-sira lamang na plastik. Basag na pag-asa ng bukas. Ito nga ba ang tunay na pag-asa? Ang kawalan?

Nakakalito, nakakagulo at nakakapag-isip ang representasyon ni Mark Salvatus ng mga halaman sa paggamit ng plastik. Maganda at maliwanag sa malayo, ngunit sa pag-titig makikita ang sira-sirang plastik at artipisyal na liwanag. Tila isa itong kritisismo sa tunay na nangyayari sa loob ng selda, sa pag-silip, paniniwalain ka na maayos ito, maliwanag, tungo sa rehabilitasyon. Ngunit sa malapitang pagtingin, masikip parin ito, walang tunay na liwanag at nagbibigay ng hindi totoong pag-asa. Tila isang pagpapalaganap ng hindi tunay na kagandahan.

Nakatitig ang tigre. Nakalabas ang pangil. Sino ang tigre? Sino ang totoong naghahari? Sino ang totoong nakabantay? Sino ang makapangyarihan—preso, bantay, warden? Isang pangarap, kaya ba itong bantayan ng tigre? Pumuprotekta o nananakot? Kapangyarihan. Makapangyarihan siya. Ngunit para saan ang kanyang kapangyarihan?

Simbolo ng isang makapangyarihang grupo sa loob ng kulungan ang tigre—ang Commando Gang. Tila nagsusumigaw ito. Sa loob ng selda, sila ang tunay na makapangyarihan, sila ang nagpapatupad ng batas, sila ang naghahari sa lahat. Muli, sa pagtitig mauunawaan ang nais iparating, ang isang grupong naghahari sa tunay na selda. Nakakatakot na grupo ngunit sa kabilang banda, nagbibigay sila ng proteksyon sa kapwa nila preso. Higit sa pagpapatupad ng batas, sila ang tunay na batas sa loob ng selda. Sila ang dominanteng naghahari, katulad sa installation ni Mark Salvatus, sila ang nakahihigit sa lahat.

“Do or Die” Gawain? Kamatayan? Nasaan ang buhay? Ang nasulyapang pag-asa? Akala ko ay ito na. Ngunit hindi. Kamatayan. Narito ba ang kamatayan? Ano ang dapat gawin? Ano ang makapagliligtas? Ang Grupo ba? Ang makapangyarihang grupo. Nasa kanila ba ang kaligtasan? Ngunit ang malinaw—nasa kanila ang kapangyarihan.

Sa loob ng selda, kailangan mong gawin ang dapat mong gawin upang mabuhay. Kailangan mo itong gawin o mamamatay ka. Malinaw ang mensaheng isinisigaw ni Mark Salvatus. Sa isang silip lamang sa selda, alam mo na ang nararapat. Umayon ka sa galaw ng buhay, gawin ang dapat gawin at mabuhay ng naayon sa batas ng selda. Kung hindi gagawin ito, tunay mo itong ikamamatay. Ganun lamang ang buhay sa loob ng selda. Naipapakita, isinisigaw ito ng installation, malinaw ang mensahe. Gawin mo ang kinakailangan kung gusto mong mabuhay.

Bumalik sa selda. Sa tunay na selda. Sa seldang masikip, mabaho, madilim. Paano nagkaroon ng pag-asa? Ng buhay? Mula ba ito sa mga may kapangyarihan? Hindi—nagmula ito isang pangkaraniwang preso. Binasa ang lupa. Nagbungkal. Natanim. Naghalaman. Unti-unting nabuhay. Lumipas ang oras na hindi nauubos. Mahabang panahon. Pakonti-konting nabuo ang pag-asa.

Kumalat sa isang pahayagan. Sumikat. Mga takas na bilanggo—ito ang imahe ng Quezon Provincial Jail. Biglang nagkaroon ng pantasya, ng kakaiba. Nakahinga sila. Nagkaroon ng buhay, ng halaman. Mga halaman ng selda kinse. Susi sa buhay sa loob ng sleda. Nagbibigay buhay at bumubuhay ng preso. Nagkaroon ng pagkain—karagdagang nutrisyon sa katawan, sa isipan, sa kaluluwa. Nabuhay ang pag-asa. At pangarap.

Isinalaysay ni Mark Salvatus ang istoryang ito. Nagsimula sa isang tao na nagbungkal ng lupa sa Selda Kinse ang isang istorya ng sining. Sa loob ng mahabang panahon, binungkal nila at lupa at naghalaman. Lumago ito at lumago ang proyekto hanggang sa kumalat sa mga pahayagan. Naunawaan ito ni Mark at naisipang ibahagi ang istorya sa mundo ng sining. Mula sa masamang imahe ng Quezon Provincial Jail, nabuhay ang isang istorya ng pag-asa, nagkaroon ng istorya ang sining. Tunay na makapangyarihan ang sining, magagamit ito sa pagpapalawak ng proyekto hindi lamang para sa nasadlak sa Selda Kinse ngunit para sa lahat ng nakukulong sa selda ng Pilipinas. Lahat sila, may kanya-kanyang istorya. Isang proyektong pang-komunidad ang sinimulan ni Mark para sa kanila. Madami pang istorya ang nais na maisalaysay. Nag-iintay sa mga alagad ng sining. Muli nabuhay ang tinig ng komunidad sa sining. Simula pa lamang ito, humihiling na palawakin, humihiling ng boses para sa tunay na pag-asa.

Narinig, nahinuha ni Mark. Mula sa pangarap sa selda—bumuo ng sariling pangarap. Secret Garden 2. Nakakapagpagaling din kaya? Makakalakad ang lumpo? Mabubuhayan ng pag-asa? Magbubukal ng kasiyahan? Tila ba siya si Mary—nakadiskubre ng hardin? O si Frances—bumuo ng pangarap ng hardin?

Lumaki si Mark Salvatus sa panahon ng munting cartoons sa telebisyon— Cedie and Munting Prinsipe, Princess Sara at ang Secret Garden. Wala mang direktang patungkol sa nobelang Secret Garden ni Frances Hodgson Burnett, nagpapakita ito ng nagkakatulad na istorya—isang munting mundo na napapaloob sa mundo, isang munting istorya na napapaloob sa isang istorya. Ang hardin na nabuo sa mundo ni Mary Lennox ay nakapagpagaling ng lumpo at nakapagdala ng kasiyahan, ang hardin na nabuo ni Mark Salvatus ay nakapagbuhay ng pag-asa at nakapagparating ng mensahe ng mga nakakulong nating kababayan. Humihiling sila ng ating atensyon. Tingnan natin sila, sulyapan, titigan. Hanapin natin ang ating magagawa. Pakinggan natin ang kanilang munting kwento.

Ang tunay na selda—nababalot ng dilim, binabantayan. Hindi basta napapasok. Natatanaw lamang. Napapaligiran ng rehas, barbed wire, alarm. Maingay. Mabaho. Siksikan. Hindi makahinga. Paano makakalaya? Walang takas, walang kawala.

Ang kalayaan ay wala sa loob, ito ay nasa labas. Nahahawakan natin ang kanilang kalayaan. Hindi man sila makalabas mula sa seldang kanilang kinasasadlakan, tayo ang makapagbabahagi ng kanilang kwento. Katulad na lamang ng ginawa ni Mark Salvatus, naghahayag siya hindi lamang ng isang kwento kundi pati narin kritisismo. Sinasagot niya ang kalagayan sa loob ng selda. May katungkulan tayong gawin ang nararapat, gawin ang ating bahagi ukol sa pagbabago. Epektibong midyum ang sining upang mapalawak ang pang-unawa at maibahagi ang sariling istorya. Sinimulan ito ng isang alagad ng sining, at sumisigaw ito sa iba pang alagad ng sining upang kumilos para sa pag-babago, para sa tunay na kalayaan—hindi man ng katawan, kundi ng kamalayan.

Secret Garden 2—hardin ng pangarap, napupuno ng liwanag, binabantayan. Hindi basta napapasok. Natatanaw lamang. Napapaligiran nina Juan Luna at Felix Ressurection Hidalgo. Tahimik. Mabango. Maluwag—napakaluwag na kapaligiran. Natatanaw ang kalayaan. Napapaligiran ng kalikasan.

Sa ganitong kapaligiran kinatha ni Mark Salvatus ang sarili niyang Secret Garden. Tila hindi nararapat, tila hindi bagay sa ganitong kalagayan. Ang isang masikip na mundo ay pinaligiran ng milyon-milyong halaga ng sining. Ngunit tila ito ay nakikipag-usap sa kanila. Sa ilalim ng grandiyosang likha ng mga Ilustrado—ang tunay na kalagayan ng mga Indiyo—ang mga inapi, inalipusta at tinanggalan ng kalayaan. Pare-parehong nakakulong, noon at ngayon. Parehon natahimik ang mga personal na istorya ng pagkakakulong. Sining biswal, magkaiba, ngunit magkatulad—sa ilalim ng kanilang ganda ay ang tunay na kwento ng mga Pilipino, lumuluha, nakakulong, masikip, at mahirap na kalagayan sa buhay.

Isang pangarap. Magandang pangarap. Ngunit may katuturan ba? May kalayaan ba? Totoo ba ang pag-asa? O katulad lamang ng plastik—maganda, maliwanag at maaliwalas, ngunit plastik parin. Patay ang kagandahan. Walang patutunguhan. Nakakulong sa pekeng liwanag.

Katulad ng rebolusyong nasimulan ng sining ng Ilustrado, ganun din ang rebolusyon na dapat simulan ng kontemporaryong alagad ng sining. Hindi sapat ang pang-ibabaw na ganda. Sa ilalim ng liwanag ay ang dilim ng kwento ng mga Pilipinong walang kalayaan. Daan-taon na ang lumipas, ngunit hindi parin tapos ang kwento. Patuloy parin ang pakikipaglaban para sa pagbabago. Patuloy pa rin ang pangangailangan sa isang rebolusyon. Hindi natatapos ang pakikipaglaban para sa kalayaan.

Mula sa kadiliman at obskuridad. Napunta sa liwanag at kasikatan. Mula sa tapunan ng mga hindi napangalanang nilalang, nalagay sa prestihiyosong akademya ng Ateneo at UP. Nabubuhay nga ba ang pangarap? Sumisindi nga ba sa alab ng buhay? O lalong nawawala, nababalewala? Gumaganda lang ba ang kahirapan sa prestihiyosong pagtingin?

Sa akademikong lugar maluwag na natatanggap ang diskurso ng pagkakakulong at ng kalayaan. Ngunit hindi nararapat na dito na lamang matapos ang lahat. Magandang instrumento ng pagsisimula ang sining sa akademya, ngunit dapat itong mapalawig upang makarating sa isip at damdamin ng mga Pilipino. Ang pagpapalaya sa kamalayan at kwento ng bawat Pilipino, sa loob at labas man ng selda ay nagsusumigaw sa midyum ng sining, at nagkukumawalang makarating sa kapwa niya Pilipino. Sinimulan man ni Mark Salvatus ang kwento ng sarili niyang Secret Garden, hindi ito dapat matapos sa kanya. Nararapat makarating ang kwentong ito sa kamalayan ng mga Pilipino. Ang mga kababayan natin sa loob ng selda, hindi man makalaya ang katawan, makakalaya naman ang kamalayan.

Dilim at liwanag. Kasikipan at kaluwagan. Halos pareho lamang. Selda kinseng nagbibigay ng buhay ngunit nananatiling nakakulong, nakapiit, masikip. Secret Garden 2 maganda, maaliwalas, maliwanag ngunit walang buhay—plastik. Magkaiba ngunit magkapareho. Nakakulong at walang kalayaan. Nakapiit. Sinisilip. Sinusulyapan. Ngunit naaintindihan nga ba? Nagbabago ba? Nasaan ang katuturan? Sana, mabigyan ng katuturan, makita ang tunay na pag-asa, tunay na liwanag.

Walang iisang istorya ang nahayag. Kwento ito ng madami, ng grupo, ng kolektibo, ngunit hindi iisa ang kwento. Pare-pareho at nagkakaiba. Hindi pa man nagbabago sa ngayon, ang ekspresyon ng mga isyu ng lipunan gamit ang sining ay makapagsisimula ng pagbabago. Nabuksan ang pinto ng Secret Garden, nasulyapan, natitigan. Maaari itong magsimula ng pagbabago, ang pagpapalaya ng kamalayan. Ngunit simula lamang ang magagawa ni Mark Salvatus, ang pagbuo ng kwento ay depende parin sa mamamayang Pilipino. Naihayag na ang istorya, ang isyu, ang kontradiksyon—ano ang kasunod? Aksyon ang nararapat na kasunod. Ano ang gagawin natin sa kwentong naihayag ng Secret Garden? Kailangang kumilos upang makamit ang tunay na liwanag.

Pantasya at katotohanan. Nagsama, nagliwanag. Nakikita, ngunit nasusulyapan lamang. Pagbabago, humihiling ng higit na pagbabago. Nagpapakita ng dilim ng katotohanan at liwanag ng pangarap. Liwanag. Isang sulyap sa selda kinse at sa pangarap—pangarap nila, pangarap ni Mark, pangarap natin.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Archives

Categories

Enter your email address to follow this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 1,571 other followers

Follow Portia Placino on WordPress.com

Instagram

May the Force be with you. #starwars So, I sent #gamerchef to the wrong space in Singapore to find the Juan Luna exhibit. He went to the National Museum instead of the National Gallery. Feeling kinda stupid right now. But this installation looks magical regardless. He said this even smells like flowers. I wish I could've been there too. #travel #singapore 4th anniversary with the big fat cat. #gamerchef says ish really heavy. Lol. Cat thinks he is a nice, warm bed. #cat #catsofinstagram 4th anniversary. The road to 5th unfolds... #gamerchef #anniversary #gifts Big basket! #sashimi #maki #japanese #dinner You may not always get what you want, but you may still get something awesome anyway. Looking forward to 2018 already. Dreaming of #seoul again. #art #residency
%d bloggers like this: